Monday, October 8, 2007

Initiale

Dahil simula na naman nga ito ng pagsusulat sa blog (na ipinangako ko sa sarili ko at sa ilang kaibigang seseryosohin na), heto muli ako. Susubok. Dahil bagong simula, isang pagbabahagi sa mga simula. Ito ang talumpati ko nang tanggapin ang parangal ng No.1 chemistry board passer sa 2007 PRC Panunumpa ng mga Bagong Kimiko.


Initiale.
Talumpati sa Panunumpa ng mga Bagong Kimiko
Ika-7 ng Oktubre 2007, Manila Hotel
DPPeralta

Kagalang-galang na mga pinuno, natatanging mga panauhin, mga kapwa bagong-kimiko, kapamilya, at kaibigan, isang magandang hapon sa inyong lahat.

Ito ang panahon ng paggawa.

Hayaan ninyo akong magbahagi ng kwento mula Pambungad sa Metapisika, akda ni Padre Roque Ferriols ng Kapisanan ni Hesus, hango sa Landas ng Tsinong Pilospong si Tswang Tsu.

---------
Noong araw, meron daw isang matandang manggugulong. Nagkataon na habang gumagawa siya ng gulong, dumaan ang isang hari. Nagbabasa iyong hari.
Ano ba ang binabasa mo, o hari?
Mga dakilang katha ng marurunong.
Ang mga marurunong na iyan – buhay pa ba sila o patay na?
Patay na.
Kung ganoon, huwag mong tatawaging dakilang katha ang binabasa mo. Kung talagang may dakilang kinatha ang isang tao, matutuklasan lamang ito sa kanyang mismong buhay. Ang mga kasulatan ng isang tao ay labi lamang ng kanyang pamumuhay. Kung baga sa pagkakarpintero, pinagkataman lamang at pinaglagarian iyang aklat na hawak mo. Bagay lamang itapon o igatong.
Nagalit ang hari: Tinutuya mo yata ako. Kung hindi mo mapatutunayan ang iyong kasasabi, pupugutan kita ng ulo.
Diniskursohan naman ngayon ng matanda ang hari:
Tignan mo ako. Pitumpung taon na ako. Gumagawa pa ako ng gulong. Sinabi ko na sa anak ko: Kapag magaan ang kamay mo, anak, lalabas na walang hugis ang gulong. Kapag mabigat naman ang kamay mo, hindi pa yari ang gulong, nawasak na. Pagalawin mo ang kamay sa pagitan ng magaan at mabigat.

Pinakinggan ako ng anak ko at naunawaan niya ang aking salita. Ngunit hindi pa siya makagawa ng gulong. Hanggang ngayon, ako pa ang nagpapakapagod. At bakit? Sapagkat hindi pa nauunawaan ng anak ko, kung papaanong makagagalaw ang kamay sa pagitan ng magaan at mabigat. At papaano nga bang makagagalaw ang tao nang ganito? Hindi ko kayang sabihin. Kaya ko lamang gawin. Sapagkat, sa paggawa ng gulong, kapag nasabi na ang lahat ng masasabi, ang pinakamahalaga ay hindi masasabi. Magagawa lamang. Mauunawaan lamang ng kamay na gumagawa. At kapag nagawa na, lalabas na pinagkataman lamang at pinaglagarian ang lahat ng nasabi.

At ano naman ang nangyari sa anak? Hinuha ni Padre na habang nagsasalita ang hari, narinig ng nagtatagong anak ang usapan at tinignan ang kanyang mga kamay. Sa paggawa ng gulong pinagalaw niya ito, pinabigat at pinagaan. Araw-araw, subok siya nang subok. Minsang tabingi, minsang sira, hanggang unti-unting dumami ang nagawa niyang tunay na gulong. Hindi naglaon ay buo na ang pag-uunawa ng kanyang kamay. Manggugulong na siya.

Kalian ba ako naging manggugulong? Hindi ko alam. Basta’t sikap ako nang sikap, at sa sandaling hindi ko alam, natuto ako.

Pumunta siya sa libingan ng ama at sinabing, “Ama, tama yata ang sinabi mo. Hindi nga masasabi ang pinakamahalaga. Subalit nagkamali ka yata nang sabihin mong pinagkataman lamang ang lahat ng nasabi. Kung hindi ko sinubukang gawin ang masasabi, hindi sana tinubuan ng pag-unawa ang aking kamay.

Di naglaon ay nagkaroon din ang batang manggugulong ng sariling anak. Namuhay sila sa piling ng ibang manggugulong. Sa kasamaang palad, sa ibang ito, nasabi na ang lahat ng msasasabi, sabi pa rin sila nang sabi. Naalala ng manggugulong ang ama. Sa kanyang anak ngayon, naisip niyang pinakamabuting sabihin ang lahat ng masasabi, at pagkatapos nito, ay tumahimik, at gumawa. Bumisita siya sa libingan ng ama at wala na siyang masabi. Napakalalim ng katahimikan. Maliwanag na pala ang lahat.
-------------

Salamin ng pagkatuto natin ang kwento ni Tswang-Tsu. Marahil para sa ating lahat, nagsimula ang lahat sa impluwensya. Sumunod ang mga taon ng pagkamangha, pakikinig, at pag-aaral. At ngayon, sumasapit ang buhay-propesyunal.

Katulad ng ama, kahit papaano ay may humimok sa ating pasukin ang karerang ito. Pilit man o bukal sa loob, may nagpagalaw sa ating maging kimiko at mabuting aalalahanin at pasalamatan natin sila ngayon.

Sa maniwala kayo’t hindi, matagal-tagal na paghihimok at pag-iisip din ang kinailangan ko sa pagiging kimiko. Ginusto kong maging isang doctor o Molecular Biologist noon. Naaalala ko pa ang aplikasyon ko pagpasok sa Ateneo at ang paglista ng mga kursong nais ko. Una- BS Biology. Ikalawa- BS Psychology. Sumunod- Applied Math, at huli sa lahat, isang kursong Management na may halong kimika. Matapos ang matinding pag-iisip, pagdarasal, at pagkonsulta sa kaibigan, kapamilya, at sa minamahal naming guro sa kimika sa mataas na paaralan noong si Dr. Assunta Cuyegkeng, napagdesisyunan kong lumipat sa kimika dahil ito raw ang mabuting huhubog sa akin sa linyang nais kong pasukin. Kung hindi rin siguro dahil sa mabuti kong karanasan sa kimika sa mataas na paaralan, hindi marahil ako nahimok at wala marahil ako rito ngayon. Hindi ko unang pinili ang linyang ito, subalit kinupkop ako nito, pinalago at itinangi. Nagsimula ang lahat sa isang nagbigay-liwanag sa propesyong ito para sa akin.

Sumunod ang mga taon ng pakikinig at pag-aaral. Naaalala natin ang mga propesor na sabi nang sabi, at tila walang tigil ang pagsasabi. Kahit sila ay pinasasalamatan natin ngayon. Namangha tayo sa mga kayang gawin sa mundo ng kimika, nagulantang sa mga tanong ng mga terror, at nag-alinlangan sa pagsubok gumawa sa laboratoryo. Hindi rin naglaon, natapos ang mga taon ng pagkamangha at pakikinig. At heto— naririto tayo ngayon matapos maipasa ang ilang pagsusulit. Matatawag na raw tayong propesyunal.

Paano nga ba natin masasabi ngayong propesyunal tayo? May isang tiyak na panahon, minuto, o segundo ba? Hindi yata natin masasagot ang katanungan katulad ng batang manggugulong. Kung tama ang wika ni Tswang Tsu, malayu-layo pa ang tatakbuhin natin. Marami-rami pang sirang gulong na gagawin.

At ano nga ba ang kahulugan ng “propesyunal” sa atin? Tuwing nababanggit ang salitang “propesyunal,” iilang bagay ang mabilis na sumasagi sa ating isip. Nariyan ang kimikong taga-analisa sa laboratoryo- papasok araw-araw, susukat rito, magpapagana ng instrumentong ito’t iyan. Magbabasa at magpapaliwanag ng ilang resulta, at sa pagtatapos ng araw ay uuwi sa paghihintay ng muling pag-analisa sa susunod na araw. Hindi sana nalilimita rito ang pagtingin natin sa “propesyunal.”

Ang pagiging propesyunal ay hindi ang pagkamatay ng pagkamangha, o ang simula ng isang nakababagot na buhay-trabaho. Para sa akin, landas ng tunay na propesyunal na ipagpatuloy ang hiwaga ng kanyang karera at bigyang buhay at halaga ito sa lahat ng nasa labas ng kanyang propesyon.

Ang propesyunal ay siyang may mabuting maidudulot— hindi pagkabagot, kundi tunay na liwanag sa pagsisilbi sa nakararami. Ika ni Tswang Tsu, “Ang dakilang katha ng isang tao ay matutuklasan sa kanyang mismong buhay.” Hindi ang nalaman natin mula sa mga libro ang mahalaga. Hindi ang ID o papeles na matatanggap natin maya-maya ang mahalaga. Hindi ang anumang magiging titulo natin. Hindi ang papuri, parangal o sweldong sasapit. Pinagkataman ito. Tayo at ang magagawa natin ngayon ang may halaga.

Hayaan ninyo akong magtapos sa akda ng isa sa mga paborito kong manunula, si Rainer Maria Rilke. Wika ni Rilke sa Aleman sa kanyang tulang Initiale,

Aus unendlichen Sehnsüchten steigen
endliche Taten wie schwache Fontänen,
die sich zeitig und zitternd neigen.
Aber, die sich uns sonst verschweigen,
unsere fröhlichen kräfte—zeigen
sich in diesen tanzenden Tränen.


Sa mahusay na salin ni Douglas Johnson,

Initial.

Out of infinite longings rise
Finite deeds like weak fountains
That arc, timely and trembling.
Yet that which is otherwise silent,
Our joyous strengths—become
Apparent in these dancing tears.

Ngayon ay bagong simula, at alam nating walang humpay ang ating mga nais pang maabot. Haharap pa tayo sa maraming sakit at hindi natin magagawa ang lahat, subalit may magagawa tayo. Sa pagtubo natin bilang propesyunal, nawa’y maging tunay na liwanag tayo para sa iba.

Ito ang panahon ng paggawa.

No comments: